Lahat na ata sa atin natanong ng ganyan, bata, matanda, mahirap, mayaman, tindero ng fishball, may-ari ng ABS-CBN, barker sa Divisoria, leading star ng Miss Saigon, tagasubaybay ng wowowee, o kahit sinu-sino pang personalidad sa mababa at mataas na antas ng lipunan. Hindi man diretsong naitanong malamang naiisip na ng kahit sino sa tin kung anong pinakamabuluhang bagay ba ang gusto niyang mangyari sa buhay niya.
Minsan nakakainis matanong ng ganito lalo na kung hindi ka handa sa isasagot mo. Naranasan ko 'to nung elementary ng pagawin kami ng teacher ko ng sanaysay tungkol sa plano namin sa buhay pagkatapos ng dalawampung taon. Malamang hindi nakagawa ng lesson plan yung teacher kong iyon kung kaya't naisipan niya na lang kaming paglakbayin sa hinaharap. Nainis ako dahil nahirapan talaga akong mag-isip ng isusulat ko sa papel ko, sawa na kasi ako sa pagsasabi nang, "dalawampung taon mula ngayon, isa na kong mayamang negosyante na may magagarang bahay at magagandang kotse, kasing-yaman ko na si Bill Gate, at tatlong beses sa isang araw kung tumawag sakin ang presidente ng Pilipinas, bibilhin ko ang buong pulo ng Mindanao at patitirahin ko dun ang mga tao sa MalacaƱang..."
Hindi ko na maalala kung ano ang eksaktong isinagot ko nun, pero sigurado akong walang kwenta yun dahil 5 minutes na lang bago mag-bell malinis na malinis pa rin ang papel ko na hiningi ko lang sa katabi ko. (buti nakaabot pa ko, dalawang piraso na lang ang natitira sa kanya nun ng magmakaawa akong manghingi, huli na nang malaman niyang yung may sulat sa likod ang naiwan sa kanya at yung malinis na papel ang napunta sakin). Kung ngayon tatanungin mo ko, alam na alam ko na ang isasagot ko. Kailangan talaga sinusuong muna natin ang malawak na mundo bago natin malaman ang mga bagay na kailangan natin at kailangan ng kapwa natin, sa ganung paraan kasi mas nagiging malinaw kung paano natin gusto tumakbo ang sariling nating buhay...kung paano tayo makikibagay...kung paano tayo makikipamuhay...kung paano tayo sasabay...
Touching others' lives...
Masyadong general, sounds corny para sa iba, parang showbiz at politics ang dating, playing safe na pagsagot pero sa part ko very sincere ako na ito talaga ang gusto kong mangyari sa buhay ko...to touch others' lives...
Sa tanghalan...
Tuwing summer, ginagawa sa Tanghalang Hulyo 23 ang Community summer workshop, hindi pa ko makapaniwala nun ng sabihin nila saking isang linggo o mahigit pa ang itinatagal nila sa community para magbigay ng theater workshop sa mga bata dun. Isang linggong hindi ka uuwi sa bahay mo, isang linggong hindi ka hihiga sa kama mo, isang linggong hindi mo matitikman ang luto ng nanay mo at isang linggong hindi ka makakapag-txt sa cellphone mo. (walang signal sa pinuntahan naming probinsya)
Hindi na ko umaasa pa na makakasama ako, simpleng overnight nga lang hindi na pinapayagan yun pang isang linggo akong mawawala sa bahay. Pero sadyang totoo pala na may miracle na nangyayari sa buhay natin, akala ko kasi noon para lang yun sa mga hindi nakakalakad, hindi nakakakita, hindi nakakarinig, hindi nakakapagsalita...yun pala pwede rin ang miracle sa mga anak na hindi pinapayagan ng magulang na bumiyahe sa malalayong probinsya. Ayos!! First time kong makakarating ng Marinduque, woo!!
Hinatid ako ng nanay at tatay ko sa Jam Transit bus station, bitbit ng tatay ko ang bagahe na naglalaman ng mga gamit ko para sa isang linggo habang ang nanay ko naman halos ayaw bitawan ang kamay ko. Parang maluha-luha pa ang nanay ko nun, pakiramdam ko tuloy mag-aabroad ako at tatlong taon akong mawawalay sa pamilya ko. Kabado pa ko, tapang-tapangan lang naman talaga ang lola mo pero hindi ko rin alam kung paano ako mabubuhay sa isang linggo na ibang mga tao ang kasama ko sa iisang bubong...
It's byahe time...
Binawi ko sa bus ang kakulangan ko sa tulog, epekto marahil ng pagiging excited ko kaya ganun. Ano ba ang meron sa first time at laging parang kinikiliti ang pakiramdam?? Bumiyahe ang bus papuntang dalahitan, Lucena at doon sumakay kami ng RORO papuntang Marinduque. P115 ang pamasahe noon sa pagkakatanda ko, masikip sa loob, nagsisimula na rin kasi umuwi ng probinsya ang mga tao para sa darating na Mahal na Araw. Mahigit kalahating oras pa ata ang itinagal namin sa daungan bago ko naramdamang umaandar na pala kami. Muli na naman akong inatake ng excitement dahil sa wakas mararanasan ko nang bumiyahe sa tubig. Kasama ang mga naglalakihang bagahe tiniis namin ang init at naghalo-halong amoy ng mga tao sa loob ng RORO, muli itinulog ko ang mga sandaling iyon dahil kalaliman pa yun ng oras ng gabi. Ala-singko ng madaling araw ng magkaayaan ang grupo na pumunta sa deck, lalong nanuyo ang buhok ko sa sobrang lakas ng hangin doon, halos liparin pati mga anit namin sa ulo. Walang kasing-ganda ang hindi mabilang-bilang na mga bituin sa langit, parang mga chandelier ni San Pedro na kislap ng kislap at ang malawak naman na dagat sa ibaba ang nagsisilbing carpet...walastik talaga ang palasyo ni Lord!!! Kung naniniwala kang nagkakatotoo ang mga wish sa falling stars malamang maiinggit ka pag nalaman mong halos bumaha ng stars sa dagat ng mga sandaling iyon dahil minu-minuto may nahuhulog na bituin sa langit...ang ganda panoorin ng meteor shower, sayang lang talaga hindi ko naisipang magwish...bakit ba kasi minsan ang hirap ko ma-convince na pwede magkatotoo ang isang bagay??
Sumabog na ang bukang-liwayway at natanaw na namin ang isla ng Marinduque. Gusto kong magmura sa sobrang ganda ng view, hindi ko talaga maintindihan ang ibang mga kababayan nating Pilipino na pilit hinahanap sa ibang bansa ang magagandang lugar samantalang sa Pilipinas pa lang mabubusog na ang mga mata nila. Idagdag mo pa ang mga isdang naglalaro at lumalangoy kasabay ng ROROng sinasakyan niyo...laksang isda'y narito naaa!!!!Ahon!!
Narating na rin namin ang isla sa wakas...parang may hangin sa loob ng ulo ko, medyo nakaramdam ako na konting pagkahilo. Kung may tinatawag na Jet-lag meron din kayang RORO-lag??? Nasobrahan ata kami ng pagtambay sa deck kung saan napagalitan pa tuloy ang isa naming kasamahan na umupo sa fence sa gilid ng RORO. Balak kasi sana niya gayahin yung MTV ni Celine Dion sa My heart will go on pero sinabotahe na agad ng watcher ng RORO ang pangarap niyang mag-ala Rose ng Titanic...
Marinduque here we come...
Gusto kong magpakalunod sa sariwang hangin pagkababa namin ng RORO, isa sa mga hinahanap-hanap kong amoy kapag bumabalik na ko ng Maynila ay yung amoy ng sariwang hanging may hamog ng damo at alat ng dagat...panalo talaga, kung nailalagay lang sana sa bato ang ganung amoy sana naadik na lang sa ganda ng kalikasan ang tao, tiyak hindi na nila maiisipang sirain at pagsamantalahan pa ito.
Sumakay na kami ng tricycle, P100 ang bayad papunta sa brgy. Tugos, Boac, Marinduque. Literal na baba-akyat kami sa mga malulubak na bundok kaya huwag mo nang ipagkait ang isangdaang piso kay manong driver kung ayaw mong ibaba ka niya at iwan mag-isa sa mga gubat na madadaanan niyo. Dahil sa bulubundukin ang lugar, sinasabing maraming mga NPA ang nananahan dito, madalas daw kumakatok sila sa mga bahay-bahay kapag gabi para manghingi ng mga pagkain, tubig, damit at kung anu-anu pa. Pero minsan huwag ka rin masyadong pakasisiguro sa mga kumakatok sa bahay niyo, kung ang babati sa'yo pagbukas mo ng pinto ay may pakpak at mahaba ang dila, malamang hindi NPA yun...aswang yun pare! Aswang! Awoo...
Boac ang kapital ng Marinduque at pang-61 sa mga barangay nito ang Tugos kung saan kami magbibigay ng community theater workshop. Para kaming maharlika kung ituring ng mga tao dun, dinadalhan kami ng pagkain, pinapahiram kami ng mga kagamitan nila sa bahay, kulang na lang pati bahay nila ipahiram nila mismo sa amin. Naliligo kami at naglalaba ng damit sa isang poso malapit doon, minsan inaalok ng mga kapitbahay ang palikuran nila para doon na kami maligo. Naaawa ata sila sa kalagayan namin na kinakailangang bilisan namin ang paliligo sa loob lamang ng limang minuto dahil marami pa ang susunod.
Binubuo ang grupo ng labing-walong tao, nakaset na ang routine namin para sa buong isang linggo. Kailangang gumising ng maaga para makapag-almusal at makaligo ang lahat bago ang itinakdang oras para sa mga aktibidades. Alas-nuwebe ng umaga dapat sinisimulan na namin ang pagwoworkshop, alas-onse ng tanghali kailangang bumalik sa bahay para tulung-tulong magluto ng pananghalian, itutuloy ang workshop ng alas-dos at uuwi sa bahay ng alas-singko para naman sa hapunan. Mayroon pa ring aktibidades na ginagawa ‘pag gabi, madalas ito yung mga assessment meeting namin para sa nagawa sa buong maghapon. Sa tanghalan, bawal ang tamad (dapat tumulong ka sa pagtatrabaho para mabilis matapos), bawal ang maselan (bawal din naman ang sobrang balahura), bawal ang mabagal kumilos (tiyak madalas kang mauubusan ng pagkain pag ganun ka), bawal ang iyakin (pero lahat naman ng tao dito emosyonal).
Sa unang tatlong araw, kami muna sa tanghalan ang nagkaroon ng workshop. Binigyan kami ng Being Acting workshop ng director namin. Naging problema nung una ang lugar na pagdadausan ng workshop, dapat kasi akma ang lugar, tahimik at may sapat na espasyo. Sakto may nakitang lugar malapit sa tinutuluyan naming bahay, isang malawak na espasyo na nasasapinan ng damo at napalilibutan ng mga puno, hanep, ang sarap mag-inhale-exhale, pakiramdam ko nawala lahat ng polusyon sa loob ng baga ko at napalitan na ng sariwang hangin.
Workshop…
Pakiramdam ko, pakiramdam ko...habang nakahiga sa damuhan sinasambit namin ng paulit-ulit ang mga katagang 'to. Oo, para kaming sirang plaka habang gumagapang ang mga maliliit na insekto sa balat namin. Nakakatulong ang magpaulit-ulit para ma-sink in sa atin ang isang bagay o ang isang uri ng pakiramdam. May mga taong akala mo likas na bato pero napagtatagumpayan rin pala ng mga ganitong uri ng workshops. Naramdaman ko na makati pala sa balat ang mga damo, nakakakiliti sa tenga ang marahang ihip ng hangin, nakakasilaw pa rin pala sa mata ang hindi maaraw na kalangitan, nakabibingi ang sobrang katahimikan, mas mainit ang pakiramdam kapag may katabi kang tao kaysa kapag may katabi kang punongkahoy, masarap makipagkuwentuhan sa halaman, nakaaaliw magbunot ng damo, masakit maglakad ng nakayapak, awit sa pandinig ang huni ng ibon at agos ng tubig sa malapit na sapa , masarap lumanghap ng hanging may hamog, masarap damhin ang samut saring pakiramdam.
Gamot din pala sa manhid ang acting workshop. Mas mabuti nang makaramdam ng sama ng kalooban kaysa mabuhay ka sa mundo ng walang pakiramdam.
No comments:
Post a Comment