Monday, September 22, 2008

ang Buhay MRT...

Mahabang pila ng mga taong nagsisiksikan, may nakasuot ng pang-opisina, pang-estudyante, pang-construction worker at mayroon din namang nakasuot ng pambahay lang (pero sa eskuwela daw ang punta) ... iba't ibang tao mula sa iba't ibang antas ng lipunan ang makakasalamuha mo sa MRT tuwing "rush hour"--- mapa-umaga man o mapa-gabi. Ito yung pagitan ng mga oras na halos sabay-sabay na nagmamadali ang mga tao papasok sa trabaho, papasok sa eskuwela, papunta sa palengke at pagtambay sa labas ng bahay para makipagtsismisan o kaya nama'y makipag-inuman. Tumatagal ang rush hour period ng tatlong hanggang apat na oras, sa umaga ito yung mga oras sa pagitan ng ala-sais hanggang alas-diyes samantalang sa gabi naman nagsisimula ito ng mga ala-singko hanggang alas-otso. "Rush" dahil makikita mo ang tao na nagaala-robot sa paglakad ng matulin, dire-diretso sa kani-kanilang destinasyon. Hahanga ka dahil kahit mabilis ang galaw nila at diretso ang tingin, nagagawa nilang umilag sa iba pang mga tao na makakasalubong o makakabunggo nila, wala kang makikitang nagmu-moonwalk, lahat seryoso ang mukha karamihan pa nga nakakunot na ang mga noo dahil limang segundo na lang at late na naman sila...salary deduction para sa mga nagtatrabaho at dagdag warning naman para sa mga estudyante.

Sa sobrang tindi ng trapik sa Pilipinas, ang dapat 15 minutong biyahe ay nagiging isang oras, idagdag mo pa ang oras ng pagnenegosasyon ng pulis at drayber kapag nagkakaroon ng hulihan. Kung sa EDSA ang daan mo, magbaon ka na ng kumot at unan para maging sulit at mahimbing ang pagtulog mo sa byahe. Matinik ang mga bus driver mapa-rush hour man o hindi, hangga't hindi sila nasasaway ng mga traffic enforcer, hihinto sila ng matagal sa mga loading/unloading area para magtawag ng mga pasahero hanggang sa maging "sardinas bus" na ang sinasakyan ninyo. Tatlumpung minuto muna bago mo maramdamang umuusad na pala, ayos, namaos din ang konduktor sa pagtatawag, makakalarga na rin sa wakas pero sampung segundo pa lang nakakaandar ang gulong mararamdaman mo na naman ang muling paghinto at sa pagkakataong ito makikita mo na ang drayber na bumababa at nakikipag-usap sa isang pulis na nakalunok ata ng malaking pakwan sa sobrang laki ng tiyan. Presto! Matulog ka na lang ulit sa kinauupuan mo o di kaya'y magkabisa ng linyang idadahilan sa boss mo...minsan malaki ang nai-aambag ng trapik sa mga umuusbong na henerasyon natin ng mga malikhaing manunulat at madiskarteng abogado...

Taong 1980 nang likhain ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Light Rail Transit Authority sa bisa ng Executive Order No. 603, pinangunahan ito ng walang iba kundi ng noon ay Gobyerno ng Metro Manila, Ministro ng Human Settlements at Unang Ginang Imelda Marcos. Tinawag na Metrotrail (Yellow Line) ang proyekto ng LRTA, sa mga panahong ito hindi pa kasi aware si Imelda na dilaw ang paboritong kulay ni Cory, kung nalaman lang niya sana ng mas maaga malamang meron tayo ngayong tinatawag na LRT Red Line...

Nanggaling ang pondo ng proyekto mula sa P300 milyong inutang mula sa Belgian Government dagdag pa ang P700 milyong nanggaling naman sa mga kumpanyang binubuo ng ACEC, BN Constructions Ferroviares et Metalliques, Tractionnel Engineering International at Transurb Consult. Noong October 1981 sinimulan ng Construction and Development Corporation of the Philippines ang paggawa sa tinatawag natin ngayong Yellow Line na may linyang Baclaran-Monumento, opisyal itong binuksan sa publiko noong December 1, 1984. Taong 1990 naman nang simulan ang paggawa sa LRT Purple Line mula Santolan hanggang Libertad, at noong 2004 na ito nabuksan sa publiko. Taong 2005, nakalikom ang LRTA ng halagang P68 milyon, pinakaunang pagkakataong kumita ang ahensya mula ng nag-umpisa ang operasyon nito noong 1984.

Sa ngayon ay meron tayong tatlong linya ng LRT, ang Yellow line (Baclaran-Monumento), Purple Line (Santolan-Recto) at Blue Line (North Ave-Taft). Ginagamit dito ang magnetic card na nabibili sa mga istasyon, bawal ito lukutin at lalong bawal sulatan ang mukha ni Pangulong Gloria na naka-drawing dito pero pwede mong i-scratch gamit ang mga barya mo sa bulsa tulad ng ginagawa sa mga Internet Card para makuha ang code at ang password. Hindi totoong mamamatay ka pag naipit ka ng pinto ng LRT pero totoong magmumulta ka ng malaking halaga kapag tinangka mong bumaba sa platform, hindi rin totoong may makukuha kang code at password sa magnetic card mo kaya huwag mo na 'tong i-scratch. Malaki ang pagkakaiba ng LRT sa ninuno nitong PNR, bukod kasi sa airconditioned ang LRT, wala rin itong masyadong upuan kung kaya't standing oviation lagi ang mga pasahero. Nakalaan ang upuan sa mga bata, matanda, at may kapansanan, mabilis lang naman kasi ang byahe kung kaya't hindi mo na dapat ipag-alala ang mahabang oras ng pagtayo. Sa kadahilanan ngang hindi mahulugang karayom ang eksena sa LRT araw-araw, hiniwalay ang mga lalaki sa babae, lugi nga naman ang mga babae at may kapansanan sa tulakan at gitgitan kung pisikal na lakas ang pag-uusapan. Mabenta ang LRT sa mga Pilipino hindi lang dahil sa mga kagandahang naidudulot nito kumpara sa regular na pagko-commute, karamihan rin kasi sa mga kapatid natin ay mga habitual latecomers kung kaya't kinakailangan nilang bumiyahe sa pupuntahan nila sa loob lamang ng sampung segundo.

Madugo ang eksena sa LRT araw-araw, kung ikaw ay isang LRT commutant este commuters dapat physically fit at healthy ka. Dahil nga rush hour, unahan at siksikan ang mga tao sa pagsakay sa LRT, kung masyado kang mapagbigay aabutin ka ng pasko sa istasyon hanggang sa mag-expire na ang magnetic card mo (45 minutes lang itinatagal nun eh). Kung ikaw naman ay miyembro ng Lamapayatot society, ihanda mo na ang sarili mong mabalibag sa kung saan-saang bahagi ng platform dahil hindi mo mapipigilan ang grupo ng mga barbaro at amasonang pasahero na mag-unahan sa pagsakay. Ganito ang buhay dito, dapat marunong kang dumiskarte, pare-pareho kayong naghahabol ng oras,pare-pareho kayong may mahahalagang pupuntahan, kaya talo-talo lang, mauna ang matibay.


Kapag napagtagumpayan mong makasakay sa loob, kailangan mo namang mag-inhale ng maraming hangin at i-exhale na lang ito pagkatapos ng 20 minuto. Masyado kasing masikip sa loob kaya dapat makahanap ka ng magandang puwesto para hindi ka maubusan ng hininga. Daig niyo pa ang mga molecules sa isang solid matter sa sobrang siksikan, kung puti ang rubber shoes mo, asahan mong kulay putim na to paglabas mo. Ang mga bagay na to ay ilan lang sa mga pangyayari sa lipunan natin araw-araw, mga ilang bagay na sumasalamin sa ating kultura, sa ating pagka-Pilipino. Mga simpleng bagay na malaki ang ginagampanan...subukan mong pag-isipan...


No comments: